Ibinasura ng Supreme Court en banc ang mga petisyon para sa indirect contempt na isinampa laban kina Presidential Adviser for Poverty Alleviation Larry Gadon, Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña, at political analyst Richard Heydarian kaugnay ng kanilang mga naging pahayag tungkol sa desisyon ng Korte Suprema sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Nag-ugat ang mga reklamo matapos maglabas ang Korte Suprema noong Hulyo 25, 2025 ng desisyong nagdedeklarang labag sa batas ang ikaapat na impeachment complaint laban sa bise presidente.
Iginiit ng mga petitioner na sina Atty. Mark Kristopher Tolentino at Atty. Rolex Suplico na ang mga pahayag nina Cendaña at Heydarian ay nakababawas sa awtoridad ng Korte Suprema, habang sinabi naman ni Atty. Ferdinand Topacio na ang naging pahayag ni Gadon ay nakasisira sa dignidad ng hukuman.
Gayunman, sa desisyong isinulat ni Senior Associate Justice Marvic Leonen, sinabi ng Korte Suprema na ang kapangyarihang magparusa sa pamamagitan ng contempt ay dapat gamitin nang may pag-iingat upang hindi ito maging kasangkapan sa pagsupil sa kalayaan sa pananalita na mahalaga sa isang demokratikong lipunan.
Binigyang-diin din ng Korte na may karapatan ang publiko na suriin at punahin ang mga desisyon at polisiya ng hudikatura, ngunit hindi nangangahulugan na maaaring abusuhin ang nasabing kalayaan.
Ayon sa Korte Suprema, nararapat lamang na manatiling bukas ang demokratikong talakayan upang malayang maipahayag ng mga mamamayan ang kanilang mga pananaw nang hindi agad nangangambang maparusahan, hangga’t ang mga ito ay nananatili sa loob ng hangganan ng batas.













