-- ADVERTISEMENT --

Pinayagan ng Regional Trial Court (RTC) Branch 27 sa Lapu-Lapu City, Cebu na makapagpiyansa ang kontrobersyal na contractor na si Sarah Discaya kaugnay ng kinahaharap nitong mga kasong malversation of public funds at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act na may kaugnayan sa umano’y ghost project sa Davao Occidental.

Sa inilabas na kautusan ng korte, itinakda ang piyansa ni Discaya sa P1 milyon. Pinayagan din ang finance officer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Davao Occidental na si Czar Ryan Ubungen na makapagpiyansa sa halagang P300,000.

Ayon kay RTC Branch 27 Judge Nelson Leyco, hindi pa sapat ang mga ebidensyang iniharap ng prosekusyon upang ipagpatuloy ang pagkakakulong ng dalawa habang dinidinig ang kaso. Aniya, wala pang testigong direktang nag-uugnay kay Discaya sa umano’y anomalya, at sa kasalukuyan ay hindi pa rin napatutunayan na siya ang gumawa ng mga pekeng dokumento o nakipagsabwatan sa iba pang akusado.

Samantala, ibinasura ng korte ang petisyon para sa piyansa ng walong iba pang akusado, kabilang ang ilang opisyal ng DPWH at isang opisyal ng St. Timothy Construction. Ayon sa hukuman, mas matibay ang mga ebidensyang iniharap laban sa kanila, partikular sa umano’y mga pekeng dokumentong sila mismo ang lumagda.

Binigyang-diin din ng korte na ang pagpapahintulot na makapagpiyansa ay hindi nangangahulugang napawalang-sala ang isang akusado. Ito ay pagkilala lamang sa kanilang karapatang pansamantalang makalaya habang nagpapatuloy ang paglilitis. Gayundin, ang pagtanggi sa isang kahilingan para sa piyansa ay hindi rin nangangahulugang napatunayang nagkasala na ang isang akusado.

Bukod sa kasong ito, nahaharap din si Discaya sa hiwalay na kaso kaugnay ng umano’y P53.9-milyong ghost project sa Calumpit, Bulacan.