-- ADVERTISEMENT --

Kinumpirma ni dating Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor na maayos at ligtas ang kalagayan ng dating Marine Sgt. Orly Guteza, matapos ang ilang linggong haka-haka tungkol sa kanyang sinapit.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines, ibinahagi ni Defensor na muling nakipag-ugnayan sa kanya si Guteza halos dalawang linggo na ang nakalipas upang personal na ipabatid na siya ay nasa ligtas na kalagayan. Ayon sa dating mambabatas, matagal din silang hindi nagkausap matapos unang lumabas ang pangalan ni Guteza sa Senado.

Nauna rito, may mga kumalat umanong impormasyon na pinatay na ang dating Marine sergeant, ngunit agad itong pinasinungalingan sa pamamagitan ng kanyang pag-ugnay kay Defensor.

Bagamat kumpirmadong ligtas, sinabi ni Defensor na hindi na niya nais pang alamin ang kasalukuyang kinaroroonan ni Guteza, binigyang-diin na ito ay para na rin sa seguridad ng dating sundalo.

Giit pa ng dating kongresista, ang mga naging pahayag ni Guteza ay bunsod ng hangaring ilantad ang umano’y katiwalian sa mga flood control projects ng pamahalaan. Gayunman, ipinahayag din niya ang pagkadismaya sa umano’y naging pagtugon ng ilang sektor, na sa halip na pakinggan ang mga isiniwalat ay tila tinutuligsa pa ang dating Marine sergeant.

Ayon pa kay Defensor, batid niya ang bigat ng mga impormasyon na ibinunyag ni Guteza, kaya’t hindi maikakaila ang kanyang pag-alala at pagkadismaya sa naging takbo ng mga pangyayari.