Nagpatupad ng malawakang relief at welfare operation ang Philippine Red Cross para sa mga pamilyang naapektuhan ng Magnitude 7.8 na lindol sa General Santos City noong Hunyo 22, 2026.
Sa halip na tutok lamang sa pamamahagi ng pagkain, naglatag din ang organisasyon ng integrated response na kinabibilangan ng emergency response station sa Purok 3 Extension, Lanton, Barangay Apopong upang direktang tugunan ang pisikal at emosyonal na pangangailangan ng mga residente.
Aabot sa 356 katao ang nabigyan ng mainit na pagkain, habang 407 bote ng tubig at 192 electrolyte drinks ang ipinamahagi upang maiwasan ang dehydration sa gitna ng matinding init. Nagpatakbo rin ng mobile health station para sa blood pressure monitoring ng mga residente.
Kasabay nito, nagbigay ang mga welfare team ng Psychological First Aid sa 17 matatanda na nakaranas ng trauma, habang 96 bata naman ang nakinabang sa Child-Friendly Space na inilaan upang magbigay ng ligtas na lugar para sa paghilom at normal na gawain.
Ayon sa Red Cross, patuloy nilang pinapalakas ang kanilang operasyon upang matiyak na ang pagtugon sa sakuna ay hindi lamang nakatuon sa materyal na tulong kundi pati sa mental at emosyonal na rehabilitasyon ng mga komunidad.













