Nadagdagan sa 22 ang bilang ng mga nasugatan sa magnitude 5.7 na lindol na tumama sa Japan, bagama’t wala pang naitatalang nasawi kaugnay ng insidente.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Myles Beltran, naganap ang pagyanig dakong alas-1:04 ng madaling-araw at nagdulot ng pinsala sa ilang grocery stores, wholesale establishments at iba pang gusali.
Kabilang sa mga lugar na naapektuhan ang Aichi at Shizuoka prefectures, habang hindi naman naramdaman ang lindol sa Tokyo dahil sa layo nito sa epicenter.
Pansamantalang sinuspinde ang biyahe ng mga bullet train bago muling pinatakbo sa mas mabagal na bilis bilang pag-iingat laban sa posibleng aftershocks.
Samantala, wala pang kumpirmadong Pilipino na kabilang sa mga nasugatan.
Kasunod ng mga naitalang pagyanig nitong Oktubre at Nobyembre, pinaalalahanan ng Japan Meteorological Agency ang mga residente na maghanda ng sapat na pagkain at tubig na tatagal ng tatlong araw hanggang isang linggo.
Binigyang-pansin din ang Aichi Prefecture, partikular ang Nagoya, dahil kabilang ito sa mga lugar na may malaking populasyon ng mga Pilipino sa Japan.













