Nais ng House prosecution panel na maging testigo si Vice President Sara Duterte sa sarili niyang impeachment trial, kasunod ng pagtatapos ng presentasyon ng ebidensya nito sa Article 1.
Inihayag ito ni private prosecutor Atty. Lorna Kapunan sa Senate impeachment court nitong Martes, habang inilalahad ng prosecution ang mga alegasyon kaugnay ng umano’y maling paggamit o paglustay sa ₱612.5 milyon na confidential funds.
Gayunman, wala pang pormal na hiling ang prosecution para sa subpoena laban kay Duterte.
Tinutulan naman ito ng lead defense counsel Sheila Sison, na nagbabala na ang sapilitang pagpapasaksi kay Duterte ay maaaring sumalungat sa kaniyang constitutional right laban sa self-incrimination.
Wala pa ring inilalabas na ruling si Senate President at presiding officer Francis “Chiz” Escudero sa mosyon. Hinihintay pa ang pormal na subpoena request ng prosecution at tugon ng defense panel.













