Handa ang prosecution panel na i-cross-examine si OVP Chief Security Officer Col. Dante Lachica sakaling ipatawag siya bilang testigo ng defense panel sa impeachment trial.
Ayon kay Prosecution Legal Spokesperson Atty. Benjamin Tolosa, hindi pa nakapagpapasya ang kanilang panig kung hihilingin nilang ideklarang hostile witness si Lachica.
Aniya, kailangan munang timbangin kung mahalaga ang testimonya ni Lachica sa pagpapatibay ng mga ebidensiyang iniharap ng prosecution. May posibilidad din umanong hindi maging ganap na tapat ang testigo dahil maaari itong humarap sa criminal liability batay sa kanyang mga pahayag.
Iginiit ni Tolosa na mayroon nang iba pang testimonya at dokumentong maaaring sandigan ng prosecution, kabilang ang mga naging pahayag ni dating special disbursing officer Gina Acosta sa mga pagdinig ng House of Representatives at mga obserbasyon ng Commission on Audit (COA) auditors.
Gayunman, kung si Lachica ang pipiliing ipatawag ng defense, sinabi ni Tolosa na nakahanda silang siyasatin at i-cross-examine ang kanyang mga pahayag.
Sa ngayon, patuloy pa nilang pinag-aaralan ang kanilang trial strategy at gagawa ng pinal na desisyon matapos marinig ang testimonya ng iba pang mga testigo.













