Ibinunyag ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan sa Sandiganbayan na lahat umano ng senador ay nakatanggap ng tinatawag na “leadership fund” mula sa Department of Public Works and Highways simula 2024.
Ayon kay Bonoan, nasa P500 milyon umano ang alokasyon para sa bawat senador, habang maaaring umabot sa P1 bilyon para sa mga senador na chairperson ng mga komite. Sa kabuuan, tinatayang P24 bilyon ang leadership fund na umano’y nasa diskresyon noon ni Senate President Juan Miguel “Miggz” Zubiri.
Binanggit din ni Bonoan na humingi umano si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo ng mga listahan ng proyekto mula kina dating Senador Bong Revilla at Senador Jinggoy Estrada. Sinabi rin niyang nagsumite umano ng project lists sina Senador Bong Go at Senador Robin Padilla.
Ayon pa kay Bonoan, nagpasalamat umano sa kanya sina Padilla at Senador Imee Marcos para sa kanyang “assistance.”
Mariin namang itinanggi ni Zubiri ang alegasyon at sinabing hindi siya kailanman humawak o humingi ng project lists mula sa mga senador. Iginiit niyang ang mga kahilingan para sa proyekto ay dumadaan sa Senate Committee on Finance.
Itinanggi rin ni Go na nagsumite siya ng listahan ng proyekto kay Bernardo at hinamon si Bonoan na ipaliwanag ang basehan ng kanyang pahayag. Samantala, sinabi ni Imee Marcos na wala siyang alam sa tinutukoy na “pasasalamat” ni Bonoan at normal lamang umano ang kanyang pagpapasalamat sa mga ahensya ng gobyerno kapag may mga proyektong naipatutupad sa Ilocos Norte.
Patuloy pang kinukuha ang panig ng iba pang senador na nabanggit sa alegasyon.












