Bukas ang Philippine National Police (PNP) sa pagtanggap ng mga puna mula sa publiko kaugnay ng pagpapatupad ng Department of the Interior and Local Government programang “Ligtas at Payapang Komunidad.”
Ayon kay Jose Melencio C. Nartatez Jr., inaasahan na ang mga reklamo lalo na kung mas pinaigting ang pagpapatupad ng mga ordinansa at batas sa mga komunidad. Iginiit niyang bahagi ito ng normal na reaksyon ng publiko kapag may mahigpit na pagpapatupad ng kaayusan.
Hinimok din ng PNP ang mamamayan na agad i-report sa emergency hotline na 911 ang anumang maling gawain o pagkukulang ng mga otoridad upang agad itong maaksyunan.
Sa datos ng pulisya, umabot na sa mahigit 24,000 paglabag ang kanilang naitala kaugnay ng operasyon, kung saan karamihan ay may kinalaman sa pag-inom ng alak sa mga pampublikong lugar tulad ng gilid ng kalsada.













