-- ADVERTISEMENT --

Naniniwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mas magiging malinaw at mas mabilis ang takbo ng impeachment proceedings kung personal na haharap si Vice President Sara Duterte sa impeachment court ng Senado.

Ayon sa Pangulo, mas mabibigyang-linaw ang mga isyu kung ang mismong inaakusahan ang direktang sasagot sa mga tanong kaysa ipaubaya lamang ito sa kanyang mga abogado. Gayunman, nilinaw niyang personal lamang ang pananaw na ito at hindi isang legal na opinyon.

Aniya, kung siya ang nasa kaparehong sitwasyon, pipiliin niyang humarap sa korte at tugunan ang mga paratang kahit pa iba ang payo ng kanyang legal counsel.

Samantala, inatasan ng impeachment court si Duterte na dumalo sa pagdinig sa Hulyo 6, alinman sa personal na pagharap o sa pamamagitan ng kanyang counsel.

Sa panig naman ng depensa, sinabi ng abogado ng Bise Presidente na nakahanda siyang humarap kung kinakailangan at kung ito ang magiging rekomendasyon ng kanilang legal team.

Kabilang sa mga isyung kinahaharap ni Duterte sa impeachment proceedings ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, kahina-hinalang paglaki ng yaman, umano’y pagtanggap ng suhol, at grave threats. Mariin niyang itinanggi ang mga akusasyon at iginiit na isa lamang umanong “fishing expedition” ang mga isinagawang imbestigasyon ng Kamara.