Naglabas ng babala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa posibleng pagbaha, pagguho ng lupa, at malalakas na hangin sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil sa epekto ng Typhoon Inday at pinalakas na southwest monsoon o habagat.
Sa pinakahuling weather bulletin, namataan ang sentro ng Bagyong Inday sa layong 490 kilometro hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes. Taglay nito ang lakas ng hanging hanggang 140 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 170 kilometro kada oras habang kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Nanatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa Batanes, habang nasa Signal No. 1 ang Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Apayao, hilagang-silangang bahagi ng Isabela, at hilaga at gitnang bahagi ng Ilocos Norte.
Nagbabala ang PAGASA na maaaring makaranas ang mga apektadong lugar ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan na maaaring magdulot ng pagbaha at landslide, gayundin ng malalakas na hangin na posibleng magdulot ng bahagya hanggang katamtamang pinsala sa mga bahay at iba pang imprastraktura.
Samantala, makararanas ng paminsan-minsang pag-ulan ang Metro Manila, MIMAROPA, Western Visayas, Negros Island Region, La Union, Pangasinan, Benguet, Zambales, Bataan, Cavite, at Batangas dahil sa pinalakas na habagat.
Sa nalalabing bahagi ng Mindanao, inaasahan naman ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mga pulu-pulong pag-ulan o thunderstorms.
Ayon sa PAGASA, inaasahang lalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Inday ngayong Sabado ng umaga, subalit magpapatuloy pa rin ang epekto ng habagat sa ilang bahagi ng bansa.













