Kinumpirma ni Jonvic Remulla na personal niyang nakausap si Jinggoy Estrada kaugnay ng mga posibleng hakbang na maaaring tahakin ng senador habang hinihintay ang posibleng paglabas ng warrant of arrest mula sa Sandiganbayan.
Ayon kay Remulla, tinalakay nila ang ilang “options” matapos sampahan ng Office of the Ombudsman si Estrada ng kasong plunder at graft na may kaugnayan sa umano’y iregularidad sa flood control projects at sinasabing ilegal na budget insertions sa Department of Public Works and Highways o DPWH.
Iniuugnay ang kaso sa alegasyong umabot sa P573 milyon ang umano’y kickbacks mula sa mga proyekto sa imprastraktura para sa fiscal year 2025.
Gayunman, tumanggi si Remulla na isiwalat ang detalye ng mga napag-usapang opsyon at sinabing mananatili muna itong pribado hangga’t hindi pa nagpapasya si Estrada kung tatanggapin o tatanggihan ang mga ito.
Samantala, nanindigan si Estrada na lalabanan niya ang mga kaso sa pamamagitan ng lahat ng available legal remedies.
Ipinunto rin ng senador ang liham mula sa Senate Legislative Budget Research and Monitoring Office o LBRMO na nagsasaad umano na wala siyang ginawang budget insertions sa 2025 national budget.
Ayon naman kay Mico Clavano, nag-ugat ang kaso sa umano’y sistematikong operasyon ng ilegal na budget insertions at pagpili ng mga proyekto sa loob ng DPWH infrastructure portfolio.
Dagdag pa niya, sinasabing inilaan ang ilang pondo kapalit ng komisyon o kickbacks mula sa mga piling proyekto ng gobyerno.













