Itataas ng National Food Authority (NFA) sa P21 kada kilo ang presyo ng kanilang pagbili ng sariwa o basang palay simula Setyembre, mula sa kasalukuyang P17 kada kilo.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, layunin ng bagong buying price na madagdagan ang kita ng mga lokal na magsasaka, lalo na sa pagsisimula ng panahon ng anihan.
Gayunman, sa mga lugar lamang na may sariling rice drying facilities ng NFA unang ipatutupad ang mas mataas na presyo ng basang palay.
Ipinaliwanag ni Lacson na mahalaga ang drying facilities upang agad na mapatuyo ang mga binibiling palay at maiwasan ang pagkasira nito habang iniimbak sa mga bodega ng ahensya.
Samantala, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng mga field office ng NFA sa iba’t ibang rehiyon sa mga posibleng drying facilities upang mapalawak ang programa at maisagawa ang pagbili ng basang palay sa mas maraming lugar sa buong bansa.













