Handa ang National Bureau of Investigation na ipatupad ang warrant of arrest laban kay Sen. Jinggoy Estrada matapos maglabas ng utos ang Sandiganbayan kaugnay ng kasong may kinalaman sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, hindi hadlang ang lokasyon ng senador, kabilang na ang loob ng Senado, para isagawa ang pag-aresto basta may legal na warrant.
Paliwanag niya, malinaw na saklaw ng batas ang ganitong operasyon kahit pa nakaupo ang isang mambabatas sa pwesto.
Ang kaso ni Estrada ay kaugnay ng alegasyong umaabot sa ₱573 milyon na kickbacks mula sa mga proyekto, base sa ulat ng Office of the Ombudsman, at may ipinatupad na “no bail” condition sa plunder charge.
Bilang suporta sa kanilang posisyon, binanggit ng NBI na may mga nauna nang pagkakataon kung saan naipatupad ang arrest sa mga high-profile officials habang nasa tungkulin pa, na nagsisilbing batayan ng kanilang hakbang sa kasalukuyang kaso.













