Itinanggi ni dating presidential spokesperson Harry Roque na ibinasura na ng Austrian authorities ang kaniyang asylum application, matapos sabihin ni Interior Secretary Jonvic Remulla na denied na umano ang kaniyang kahilingan.
Tinawag ni Roque na “fake news” ang pahayag at iginiit na wala umanong awtomatikong rule na nangangahulugang rejected na ang isang asylum application kapag lumampas sa anim na buwan nang wala pang desisyon.
Ayon kay Roque, nasa Austrian authorities pa rin ang kaniyang aplikasyon at hinihintay niya ang pinal na resolusyon sa kaniyang asylum case.
Samantala, sinabi ni Remulla na ibe-verify pa niya ang impormasyong natanggap tungkol sa umano’y rejection ng asylum bid ng dating opisyal.
Una nang naghain ng asylum si Roque sa Netherlands, ngunit na-refer ang kaniyang kaso sa Austria dahil Austrian authorities ang nag-isyu ng kaniyang visa.
Nananatili naman siyang nahaharap sa human trafficking charges na may kaugnayan sa isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga.
Sa ngayon, kapwa nakabinbin ang magkabilang pahayag habang hinihintay ang opisyal na desisyon ng Austrian authorities sa asylum application ni Roque.













