-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ng kampo ni Leyte First District Representative Martin Romualdez na wala itong planong umiwas sa kinakaharap na reklamo at nananatili siyang nasa Pilipinas habang nagpapatuloy ang proseso ng imbestigasyon.

Ayon kay Atty. Ade Fajardo, aktibo pa ring ginagampanan ng kongresista ang kaniyang tungkulin bilang kinatawan ng unang distrito ng Leyte. Aniya, nakahanda rin si Romualdez na humarap sa isinasagawang preliminary investigation ng Office of the Ombudsman kaugnay ng mga alegasyon sa umano’y iregularidad sa mga flood control project.

Binigyang-diin ng abogado na walang matibay na ebidensiyang direktang nag-uugnay sa dating House Speaker sa sinasabing flood control scandal. Aniya, ang naging papel lamang ng kaniyang kliyente sa 2025 national budget ay ang paglagda rito, habang wala rin umano itong direktang partisipasyon sa implementasyon ng mga flood control project.

Idinagdag pa ni Fajardo na maging ang findings ng nabuwag na Independent Commission for Infrastructure (ICI) ay nagpapakita umano ng kakulangan ng ebidensiya laban kay Romualdez, dahilan upang igiit ng kampo nito na dapat manaig ang due process sa pagresolba ng mga reklamo.