-- ADVERTISEMENT --

Pormal nang nanungkulan bilang bagong Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP) si Lt. Gen. Antonio Nafarrete matapos ang turn-over of command ceremony na isinagawa nitong Martes, Hulyo 21.

Pinalitan ni Nafarrete si General Romeo Brawner Jr., na nagtapos na sa kanyang tatlong taong fixed term bilang pinuno ng AFP.

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang seremonya kasama si Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro.

Sa kanyang talumpati, nagpasalamat si Brawner sa mga sundalo at opisyal na naging katuwang niya sa loob ng kanyang panunungkulan at ibinahagi ang ilan sa mga naging tagumpay ng Sandatahang Lakas sa nakalipas na tatlong taon.

Ipinahayag naman ni Pangulong Marcos ang kanyang tiwala kay Nafarrete at umaasang maipagpapatuloy nito ang mga programang at repormang nasimulan sa ilalim ng dating pamunuan.

Kasabay nito, inanunsiyo rin ng DND ang pagtatalaga kay Lt. Gen. Donald M. Gumiran, dating commander ng Western Mindanao Command (WestMinCom), bilang bagong Commanding General ng Philippine Army, kapalit ni Nafarrete.

Isinilang si Nafarrete noong Pebrero 22, 1969. Tubong Bani, Pangasinan ang kanyang ama, habang isang guro mula sa Iloilo ang kanyang ina. Nagtapos siya sa Philippine Military Academy bilang miyembro ng PMA “Bigkis-Lahi” Class of 1990 matapos pumasok sa akademya noong 1986.

Sa mahigit tatlong dekada niyang serbisyo sa militar, nagsilbi siya sa iba’t ibang mahahalagang yunit kabilang ang First Scout Ranger Regiment, Armed Forces Joint Special Operations Group, at Presidential Security Group, kung saan pinangunahan niya ang external security ni dating Pangulong Benigno Aquino III.

Sa kanyang unang mensahe bilang bagong AFP Chief of Staff, tiniyak ni Nafarrete sa mga kasundaluhan na patuloy nilang gagampanan ang kanilang mandato na protektahan ang bansa at paglingkuran ang sambayanang Pilipino.

Kasabay nito, iginiit niyang pananagutan ng bawat sundalo ang pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad ng bansa.