Mariing itinanggi ni dating Senador Manny Villar, chair ng Villar Group, ang mga alegasyong iniuugnay sa Villar Land Holdings Corp., kasunod ng reklamong inihain ng Securities and Exchange Commission (SEC) na kasalukuyang tinatalakay ng Department of Justice (DOJ).
Ayon sa SEC, ang reklamo ay may kinalaman sa umano’y market manipulation, insider trading, at misleading disclosures na nakaapekto sa presyo ng shares ng kumpanya at posibleng nakapanlinlang sa publiko.
Sa isang pahayag nitong Martes, Pebrero 3, sinabi ni Villar na wala pa siyang natatanggap na opisyal na kopya ng reklamo, kaya’t ang kanyang nalalaman ay batay lamang sa mga ulat ng media. Nilinaw rin niya na ang DOJ ang may kapangyarihang magpasya kung magsasagawa ng preliminary investigation sa usapin.
Binigyang-diin ng dating senador ang matibay na kredibilidad at mahabang track record ng kanyang kumpanya, na aniya’y patunay ng kahalagahan ng reputasyon sa mga malalaking negosyo. Idinagdag pa niya na ang integridad at mahigpit na pagsunod sa batas ang nagsilbing gabay sa kanyang personal at propesyonal na karera.













