-- ADVERTISEMENT --

Maghahanda ang Philippine National Police (PNP) ng kanilang mga mobility assets upang magbigay ng “Libreng Sakay” sa mga commuter na maaapektuhan ng nakaambang transport strike ngayong linggo.

Ayon kay PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan na niya ang lahat ng tanggapan ng PNP na magtalaga ng kani-kanilang sasakyan para tumulong sa mga pasahero mula Abril 15 hanggang Abril 17.

Bukod dito, iniutos din niya ang pagpapatupad ng mahigpit na seguridad sa mga lugar na pagdarausan ng tigil-pasada at mga kilos-protesta upang matiyak ang kaayusan at kapayapaan.

Samantala, kasabay ng Libreng Sakay, ipinag-utos din ni Nartatez ang pagpapanatili ng police visibility at ang mahigpit na pagsunod sa mataas na antas ng pagtitimpi ng mga pulis sa kabuuan ng mga isasagawang demonstrasyon.