-- ADVERTISEMENT --

Naging epektibo na ang tigil-putukan o ceasefire sa pagitan ng Israel at Lebanon nitong Abril 17, na inaasahang magpapahinto sa anim na linggong labanan laban sa armadong grupong Hezbollah.

Gayunman, sa kabila ng pagpapatupad ng ceasefire, napaulat na naglunsad pa rin ng rocket attacks ang Hezbollah sa hilagang bahagi ng Israel. Sa kabilang banda, iniulat din na nagpatuloy ang ilang opensiba ng Israel makalipas ang halos kalahating oras mula nang magkabisa ang tigil-putukan.

Iginiit ng Israel na mananatili ang kanilang mga tropa sa mga lugar na kanilang nakontrol sa southern Lebanon, sa kabila ng kasunduan.

Samantala, nagsimula nang bumalik ang ilang residente sa southern Lebanon, na matinding naapektuhan ng mga pag-atake at itinuturing na balwarte ng Hezbollah. Sa iba namang bahagi ng Lebanon, may mga mamamayan na nagdiwang sa mga lansangan bilang pag-asang magtatagal ang tigil-putukan.

Malugod namang tinanggap ng Iran ang 10-araw na ceasefire, ngunit nanawagan ito ng ganap na pag-atras ng puwersa ng Israel mula sa Lebanon.

Samantala, nagpahayag ng optimismo si Donald Trump na posibleng humantong ang kasunduang ito sa mas malawak na kapayapaan, kabilang ang posibilidad na matuldukan ang tensyon na may kinalaman sa Iran, habang inaasahang magpapatuloy ang negosasyon sa mga susunod na araw.