Sinimulan na ng Malacañang ang pagsusuri sa 13,917 flood control projects na isinagawa noong nakaraang administrasyon upang matukoy kung alin sa mga ito ang hindi naging sapat sa pagpigil sa pagbaha.
Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, hinihintay pa ng Malacañang ang kumpletong datos mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) tungkol sa lokasyon at kondisyon ng mga proyekto, kabilang na kung gumagana ang mga ito at kung may mga naturang proyekto na ghost o substandard.
Ang pagsusuri ay isinagawa kasunod ng malawakang pagbaha sa Metro Manila at sa iba pang lugar.
Isa sa mga binanggit ni Castro ang Sunog Apog pumping station, na umano’y dating hindi maayos ang pagkakagawa ngunit naayos at muling napagana matapos ang intervention at pagkukumpuni.
Giit ng Malacañang, mahalagang matukoy kung saan nagkukulang ang mga flood control project upang matugunan ang mga problemang nagdudulot ng pagbaha.
Patuloy naman ang mga programa ng DPWH para sa pagpapahusay ng drainage system, pumping stations at waterways. Gayunman, sinabi ni Castro na hindi magiging sapat ang mga imprastraktura kung patuloy na itinatapon ang basura sa mga estero at iba pang daluyan ng tubig.
Nanawagan siya ng pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaan at publiko upang maging mas epektibo ang mga hakbang laban sa pagbaha.












