-- ADVERTISEMENT --

Naniniwala ang Malacañang na nakatulong ang alok na P50-milyong pabuya sa pagpigil sa malayang pagkilos ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, kasabay ng pinaigting na operasyon ng pulisya at pakikiisa ng publiko sa pagbibigay ng impormasyon.

Ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP), maingat na bineberipika ang lahat ng natatanggap na impormasyon at agad na sinusundan ang mga mapagkakatiwalaang lead.

Gayunman, tumanggi ang Palasyo na ibunyag ang mga detalye ng operasyon at posibleng kinaroroonan ng senador upang maprotektahan ang mga impormante at operatiba.

Nahaharap si Dela Rosa sa arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa drug war ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaang naging sentro muli ng usapin ang senador matapos magpakita sa Senado noong Mayo upang suportahan ang pagkakatalaga kay Senador Alan Peter Cayetano bilang Senate President, ngunit nakalabas siya nang hindi naaaresto.

Inamin naman ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nagkaroon siya ng pagkukulang sa pag-asikaso sa pag-aresto sa senador dahil sa labis na pag-asa sa isang umano’y gentleman’s agreement.

Patuloy namang sinusuri ng mga awtoridad ang mga impormasyong maaaring makatulong sa pagpapatupad ng warrant laban kay Dela Rosa.