-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan ang Malacañang sa publiko, partikular sa mga residente ng Mindanao, na makipagtulungan sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagsumbong sa mga indibidwal at negosyong hinihinalang sangkot sa pagpupuslit at ilegal na pagbebenta ng sigarilyo.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, bagama’t patuloy ang mga operasyon ng Bureau of Customs (BOC), Philippine National Police (PNP), at National Bureau of Investigation (NBI), mayroon pa ring mga produktong ilegal na naipapasok at naipagbibili sa bansa.

Binigyang-diin ni Castro na hindi lamang paglabag sa batas ang smuggling kundi malaking kawalan din sa kita ng pamahalaan dahil hindi nababayaran ang kaukulang buwis mula sa mga produktong ipinupuslit.

Aniya, maituturing itong pagnanakaw sa kaban ng bayan dahil nababawasan ang pondong maaaring gamitin para sa mga programa at serbisyong pampubliko.

Dahil dito, hinikayat niya ang publiko na agad ipagbigay-alam sa mga kinauukulan ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang makatulong sa pagtukoy at pagpapanagot sa mga nasa likod ng ilegal na kalakalan.

Ang panawagan ay kasunod ng sunod-sunod na operasyon ng mga awtoridad sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao, kung saan nasabat ang milyun-milyong pisong halaga ng mga smuggled na sigarilyo at iba pang kontrabando.