-- ADVERTISEMENT --

Mahigit 93,344 personnel ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa ang inaasahang makikinabang sa karagdagang P8.68 bilyong pondo para sa pagpapatuloy ng Expanded Career Progression o ECP System ng Department of Education.

Iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapalabas ng pondo na gagamitin para sa implementation requirements ng ECP System para sa Fiscal Years 2025 at 2026.

Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, layunin ng programa na kilalanin ang karanasan, kakayahan at professional growth ng mga kawani sa sektor ng edukasyon.

Sa ilalim ng ECP System, nabibigyan ng pagkakataon ang mga guro na ma-promote sa mas mataas na teaching positions at makatanggap ng kaukulang dagdag-sahod nang hindi kinakailangang umalis sa classroom upang lumipat sa administrative posts.

Sinabi ni Castro na saklaw ng karagdagang pondo ang mga personnel na nabigyan na ng Notices of Organization, Staffing, and Compensation Action o NOSCA at appointments.

Samantala, ipoproseso ng mga regional offices ng Department of Budget and Management ang pondo para sa agarang pagpapalabas nito sa mga regional offices ng DepEd.

Para naman sa Fiscal Year 2027, iminungkahi ng administrasyon ang P12.9 bilyong pondo para sa patuloy na implementasyon ng ECP System—mas mataas ng P5.94 bilyon o 96.6 porsiyento kumpara sa pondo para sa FY 2026.