Umabot sa mahigit 1.7 milyon katao ang inilikas sa Zhejiang, China matapos mag-landfall ang bagyong Bavi na nagdala ng malalakas na hangin at pag-ulan sa bahagi ng Eastern China.
Bago ang pagdating ng bagyo, itinaas na ng mga awtoridad ang orange typhoon alert, ang ikalawa sa pinakamataas na antas sa apat na lebel ng babala ng panahon sa bansa. Naitala ang lakas ng hangin ng bagyo na umaabot sa 144 kilometro kada oras.
Bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyo, maraming biyahe ng eroplano ang kinansela habang binawasan din ang operasyon ng mga tren. Sinuspinde rin ang klase sa mga paaralan at ang ilang ferry services.
Bukod sa China, nagdulot din ang bagyong Bavi ng matinding hangin at pag-ulan sa katimugang bahagi ng Japan at sa Taiwan habang patuloy itong binabantayan ng mga awtoridad.













