Maaaring mauwi sa pagdinig ng Supreme Court of the Philippines ang anumang pagtatalo sa magiging resulta ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, lalo na kung magkakaroon ng isyu sa kinakailangang bilang ng mga boto para sa hatol.
Ayon kay retired Supreme Court Justice Adolfo Azcuna, maaaring kuwestiyunin sa Kataas-taasang Hukuman ang desisyon ng impeachment court kung igigiit na lumabag sa itinakda ng 1987 Constitution of the Philippines ang Senado sa pagbilang ng boto.
Ipinaliwanag ni Azcuna na malinaw sa Konstitusyon na kinakailangan ang boto ng hindi bababa sa dalawang-katlo ng mga senador, o 16 na boto, upang mahatulang guilty ang isang opisyal sa impeachment. Kung magkakaroon ng conviction na kulang sa nasabing bilang, maaari itong hamunin sa SC sa pamamagitan ng alegasyon ng grave abuse of discretion.
Samantala, sinabi ni dating Senate President Franklin Drilon na may posibilidad na umabot nga sa SC ang naturang usapin. Gayunman, aniya, nakasalalay pa rin sa Mataas na Hukuman kung tatanggapin nito ang kaso dahil may kinalaman ito sa impeachment proceedings.
Iginiit din ni Azcuna na dapat maisama sa kabuuang bilang ng mga senador si Jinggoy Estrada kahit suspendido ito, dahil nananatili pa rin umano siyang lehitimong miyembro ng Senado at hindi nawawala ang kanyang puwesto.
Ang impeachment trial ni Vice President Duterte ang ikatlong full-blown impeachment trial sa kasaysayan ng Pilipinas at ikatlong pagkakataon ding hindi lahat ng 24 na senador ay makalalahok bilang senator-judges.













