KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa pamamaril na ikinasawi ng isang 44-anyos na ama matapos agawan ng motorsiklo sa Sitio Torre, Purok Rang-ay, Barangay Poblacion, Lambayong, Sultan Kudarat nitong Huwebes ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Reynante Manicsic y Milliones, residente ng Purok Cargo, Barangay Midtapok, Lambayong habang nakaligtas naman ang 15-anyos na anak nito.
Ayon sa ulan ng Lambayong Municipal Police Station, bandang alas-4:45 ng hapon ay papunta ang biktima kasama ang kanyang anak upang kunin ang kanilang alagang kalabaw ang bigla silang harangin ng armadong suspek.
Agad umanongg pinagbabaril si Manicsic bago tinangay ang kanyang Honda XRM 125 na motorsiklo.
Nagtamo ang biktima ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan na isinugod pa ng mga concerned citizen sa pinakamalapit na ospital ngunit idineklara siyang dead on arrival, habang ligtas namang nakatakas ang kanyang menor de edad na anak at nakahingi ng tulong.
Patuloy ang hot pursuit operation ng pulisya laban sa tumakas na suspek patungo sa hindi pa matukoy na direksyon kasama ang nakarnap na motorsiklo.
Nagpalabas na rin ng abiso sa mga checkpoint sa mga karatig-bayan upang matunton ang salarin at mabawi ang sasakyan.
Patuloy ding inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa krimen habang nagpapatuloy ang follow-up investigation.













