Tanggap at iginagalang ng Kongreso ang naging desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng pagbasura sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang naging pahayag ni South Cotabato 2nd District Congressman at Senior Deputy Speaker Ferdinand “Dinand” Hernandez sa isang panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Hernandez, hindi basta-basta ang paghahain ng impeachment complaint dahil nangangailangan ito ng mahigpit na pagsunod sa tamang due process requirements.
Dagdag pa niya, bago pa man ihain ang panibagong impeachment complaint ng Makabayan Bloc laban kay VP Sara Duterte, nilinaw na ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na hindi siya pabor sa impeachment dahil nagdudulot lamang ito ng pagkakahati-hati at nakakaabala sa dapat sana’y gawain at pokus ng Kongreso.
Samantala, tiniyak din ni Hernandez na ang lahat ng hakbang ay isinasagawa alinsunod sa proseso ng Konstitusyon at hindi dapat gamitin ang mga nabanggit na reklamo bilang isang political tool laban sa sinumang opisyal, partikular na sa Bise Presidente.













