-- ADVERTISEMENT --

Inihayag ni dating Cavite 4th District Representative Kiko Barzaga ang kanyang buong suporta sa kandidatura ng kanyang ina na si Dasmariñas City Mayor Jenny Barzaga para sa nalalapit na special elections sa ikaapat na distrito ng Cavite.

Sa isang social media post noong Biyernes, ipinakilala ni Kiko ang kanyang ina bilang isang beteranong lingkod-bayan at hinikayat ang publiko na suportahan ito sa darating na halalan.

Nauna nang naghain ng kanyang certificate of candidacy (COC) si Mayor Jenny noong Hulyo 17. Makakaharap niya ang apat pang kandidato sa special elections para sa bakanteng puwesto ng kinatawan ng ikaapat na distrito.

Sa kanyang mensahe, tiniyak ng alkalde ang patuloy na pagtutok sa serbisyo publiko.

“With your trust and support, I remain committed to serving every Dasmarineño and continuing the progress of our beloved City of Dasmariñas,” ani ni Mayor Jenny.

Samantala, kinumpirma rin ni Kiko na hindi na siya sasabak sa special elections. Aniya, mas pinili niyang magpahinga at magbakasyon kaysa muling lumahok sa eleksyon.

Matatandaang na-expel si Barzaga sa Kamara noong Hunyo 2 matapos aprubahan ng mayorya ng mga kongresista ang kanyang pagpapatalsik. Bago ito, halos 11 buwan siyang nagsilbing kinatawan ng ikaapat na distrito ng Cavite.