Ipinaliwanag ni Fulung Romy Martin, presidente ng Sarangani IP Professionals Association, ang tradisyong Sulif ng mga Indigenous Peoples (IPs), kasunod ng insidente sa Barangay Datal Anggas, Alabel, Sarangani Province, na ikinasawi ng dalawang indibidwal habang isinasagawa ang naturang ritwal.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, sinabi ni Martin na ang Sulif ay isang tradisyonal na paraan ng pagresolba ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawang indibidwal na nagnanais na ayusin ang kanilang alitan.
Ayon sa kanya, nakabatay ang resulta ng ritwal sa kung sino ang unang aahon mula sa tubig. Ang unang umaahon ang itinuturing na talunan, habang ang huling umaahon naman ang itinuturing na panalo. Wala rin umanong itinakdang oras o minuto para sa pagsasagawa nito.
Gayunman, iginiit ni Martin na hindi angkop na gamitin ang Sulif sa pagresolba ng mga alitan sa lupa o iba pang seryosong usapin, lalo na kung may posibilidad na malagay sa panganib ang buhay ng mga kalahok.
Dahil dito, nanawagan siya sa publiko at sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na talakayin at suriin ang pagpapatupad ng naturang tradisyon upang matukoy ang mga kinakailangang hakbang para matiyak ang kaligtasan ng mga lumalahok dito.
Kasabay nito, hinimok ni Martin ang mga Indigenous Peoples na idaan sa legal na proseso ang mga sigalot sa lupa upang maiwasan ang paglala ng komprontasyon at posibleng pagkawala ng buhay.
Paliwanag niya, mas mainam na gamitin ang naaangkop na legal na pamamaraan upang mabigyan ng patas na pagkakataon ang bawat panig na maipahayag ang kanilang saloobin at maresolba ang hindi pagkakaunawaan.
Inamin din ni Martin na maaaring maging mas mahirap ang pagresolba sa mga alitan kung may kasamang personal na hidwaan ang mga sangkot. Gayunman, kung usapin lamang sa pagmamay-ari ng lupa ang problema, mas makabubuting idaan ito sa legal na proseso sa halip na gumamit ng paraang maaaring magbunga ng karahasan.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga lider ng komunidad at ng NCIP upang matiyak na mapangangalagaan ang mga katutubong tradisyon habang naiiwasan ang mga insidenteng maaaring humantong sa pagkasawi ng buhay.













