Inihayag ng kampo ni Vice President Sara Duterte na hindi sila nababahala sa magiging epekto ng pagtestigo ni Ramil Madriaga sa impeachment hearing na nakatakda sa Martes.
Sa isang panayam, sinabi ni Atty. Salvador Panelo na ang mga naunang pahayag ni Madriaga ay pawang hindi totoo. Aniya, kapag umabot na sa tamang forum gaya ng Senado ang impeachment, lalo lamang mapatutunayang walang katotohanan ang mga alegasyon nito.
Dagdag ni Panelo, ang tanging ikinababahala ng kampo ng Bise Presidente ay ang posibilidad na paniwalaan ng komite ang mga naturang pahayag, lalo na’t aniya ay binubuo ito ng mga itinuturing nilang kalaban sa politika ng Pangalawang Pangulo.
Samantala, pinayagan ng Manila Regional Trial Court sa isang kautusan nitong Miyerkules na dumalo si Madriaga sa pagdinig ng Kamara de Representantes kaugnay ng impeachment ni VP Sara.
Ayon sa utos ng korte, maaari siyang dumalo sa hearing mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, at kinakailangang may kasamang tamang jail escort habang siya ay nasa pagdinig.













