-- ADVERTISEMENT --

Isang malaking oportunidad ang naghihintay kay Alex Eala matapos makumpirmang makakatambal niya sa doubles competition ng Bad Homburg Open ang isa sa pinakamahuhusay na manlalaro sa kasaysayan ng tennis, si Venus Williams.

Ayon sa ulat ng Tennis Channel, kabilang sa entry list ng torneo si Williams at nakatakdang makipagpares kay Eala bilang paghahanda para sa nalalapit na Wimbledon Championships.

Ang torneo ay gaganapin sa Bad Homburg, kung saan sasabak din sa singles competition ang German player na si Eva Lys matapos makatanggap ng main draw wildcard.

Para sa 20-anyos na si Eala, itinuturing itong natatanging pagkakataon na makalaro sa parehong koponan ang isang pitong beses na Grand Slam singles champion na naging simbolo ng dominasyon sa women’s tennis sa loob ng maraming taon.

Hindi rin bago kay Eala ang makaharap ang pamilya Williams. Noong unang bahagi ng taon, nagtagumpay sina Eala at Iva Jovic laban kina Venus Williams at Elina Svitolina sa Round of 16 ng ASB Classic.

Samantala, bago ang kanyang pagsabak sa Bad Homburg Open, sisimulan muna ni Eala ang kanyang grass-court campaign sa Birmingham Open. Nakahanay rin siyang lumahok sa doubles draw kasama ang Czech tennis player na si Nikola Bartunkova.

Ang tambalang Eala-Williams ay inaasahang magiging isa sa mga pinakaabangan sa torneo dahil sa kombinasyon ng karanasan ng isang tennis legend at ng mabilis na pagsikat ng batang Filipina star sa international circuit.