-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nakukulong na ngayon sa Esperanza Municipal Police Station lock-up cell ang tatlong high value individuals matapos masamsam sa kanila ang higit 700,000 pesos na halaga ng hinihinalang shabu at isang sasakyan sa isinagawang buy-bust operation sa Sultan Kudarat kaninang madaling araw.

Ayon sa pulisya, alas- 5:30 ng umaga, Hunyo 1, 2026 nang ikinasa ng pinagsamang puwersa ng Esperanza MPS, 2nd SKMFC at 1202nd RMFB12 ang operasyon sa Purok Bagong Silang, Brgy. Saliao, Esperanza, Sultan Kudarat.

Kinilala ang mga suspek sa alyas na “Jan Jan” at “Bonbon”, kapwa legal ang edad at residente ng Koronadal City, South Cotabato.

Kasama rin sa nadakip si alyas “Norton”, may asawa, nasa tamang edad at residente ng Esperanza. Narekober sa mga drug suspek ang isang Mitsubishi Mirage na may plakang 5118, hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P700,400, mga cellphone, at limang pirasong P1,000 marked money na ginamit sa operasyon.

Ayon pa sa Esperanza PNP, parehong HVI o high value individuals sa kalakaran ng droga ang dalawang suspek mula Koronadal City. Mahaharap ang tatlo sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ang nakumpiskang ebidensya ay dinala na sa SKPPO Crime Laboratory para sa quantitative at qualitative examination.