Iniimbestigahan ng mga awtoridad sa Thailand ang umano’y kakulangan ng fire exit sa isang pub sa Bangkok matapos ang sunog na ikinasawi ng hindi bababa sa 27 katao at ikinasugat ng 63 iba pa.
Nangyari ang insidente sa Chatuchak district sa kabisera ng Thailand, kung saan ayon sa paunang imbestigasyon ay mabilis na kumalat ang makapal na usok sa loob ng establisimyento.
Batay sa testimonya ng ilang nakaligtas, maraming kostumer ang nagmadaling lumikas at nagtungo sa likurang bahagi ng pub malapit sa mga comfort room sa pag-asang makalabas.
Gayunman, sinabi ng mga opisyal na wala umanong fire exit ang establisimyento, dahilan upang maraming tao ang ma-trap sa loob habang lumalakas ang apoy at usok.
Patuloy na inaalam ng mga imbestigador ang eksaktong pinagmulan ng sunog, gayundin kung may nalabag na mga regulasyon sa kaligtasan na maaaring nagpalala sa trahedya.













