-- ADVERTISEMENT --

Nilinaw ng depensa ni Vice President Sara Duterte na hindi umano natatandaan ng bise presidente ang isang BPI joint account na nakapangalan sa kaniya at sa kaniyang ama, dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Itinanong ito ni Senator-judge Risa Hontiveros kay defense counsel Atty. Michael Poa matapos lumitaw sa paglilitis ang mga rekord ng naturang account.

Hiniling ni Hontiveros kay Poa na linawin ang posisyon ng depensa hinggil sa sinasabing kawalan ng recollection at partisipasyon ni Vice President Duterte sa mga transaksyong isinagawa sa joint account.

Sa tugon ni Poa, sinabi niyang ang punto ng kanilang liham sa naturang bangko ay upang alamin kung umiiral ang mga naturang account at, kung mayroon man, ay makahingi sila ng mga dokumentong kaugnay nito.

Matatandaang nauna nang kinumpirma ng witness na si Marwin Galvez mula sa naturang bangko na may dalawang time deposit sa ilalim ng joint account nina Vice President Duterte at dating Pangulong Duterte.

Sa panig ng depensa, binibigyang-diin ni Poa na kailangang malinaw kung may aktuwal na partisipasyon o authorization si Vice President Duterte sa mga transaksyong nakapaloob sa naturang joint account.