Isang 35-anyos na lalaki ang nasawi habang dalawang iba pa ang nasugatan, kabilang ang isang menor de edad at isang pulis, matapos ang naganap na pamamaril sa bahagi ng Mother Barangay Poblacion, Cotabato City, kaninang umaga, Hulyo 12.
Kinilala ang nasawi na si Basir M. Gapor, residente ng naturang lugar. Sugatan naman ang isang menor de edad na kinilala sa alyas na “Yusseff” at si Police Corporal Titing Kauring ng Philippine National Police matapos tamaan ng bala.
Batay sa paunang ulat ng Cotabato City Police Office, magkaangkas sina Gapor at ang menor de edad sa isang traysikel nang pagbabarilin sila ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng isang itim na Honda CRF motorcycle.
Nadamay naman si PCpl. Kauring, na noo’y sakay ng sariling motorsiklo at nag-overtake sa traysikel, matapos tamaan ng ligaw na bala mula sa pamamaril.
Narekober ng mga awtoridad sa lugar ang limang basyo ng bala na pinaniniwalaang mula sa kalibre .45 na baril. Agad isinugod ang tatlong biktima sa Cotabato Regional and Medical Center, ngunit idineklarang dead on arrival si Gapor. Samantala, nasa matatag na kondisyon ang dalawang sugatan.
Sa nagpapatuloy na imbestigasyon, natukoy ng mga awtoridad na si Gapor ang pangunahing target ng mga salarin, habang ang menor de edad at ang pulis ay tinamaan lamang ng ligaw na bala. Tinitingnan ng mga imbestigador ang posibilidad na personal na alitan ang nasa likod ng insidente.
Agad namang nagpatupad ng lockdown at nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga awtoridad upang matunton ang mga suspek. Kinukuha rin ang mga CCTV footage sa paligid ng lugar para makatulong sa pagkilala at pag-aresto sa mga tumakas na suspek na nagtungo sa direksyon ng isang supermarket.












