Tiniyak ng Palasyo at Philippine National Police na patuloy nilang poprotektahan ang seguridad ni Vice President Sara Duterte sa gitna ng kanyang mga pahayag na nangangamba siya para sa kanyang buhay at hindi nagtitiwala sa pulisya.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi gagamitin ng administrasyong Marcos ang PNP bilang kasangkapan para saktan si Duterte o ang kanyang mga tagasuporta.
Iginiit ng Palasyo na mandato ng PNP na ipatupad ang batas nang walang pagkiling o konsiderasyong pampulitika at para sa kapakanan ng lahat ng Pilipino.
Samantala, tiniyak ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na patuloy na tutugunan ng pulisya ang mga pangamba sa seguridad ng bise presidente.
Inatasan na umano ang mga kinauukulang police units na magsagawa ng patuloy na monitoring at threat assessment laban kay Duterte at sa kanyang immediate family.
Gayunman, sinabi ng PNP na hanggang ngayon ay wala pa itong natutukoy na beripikadong banta laban sa bise presidente o sa kanyang pamilya.
Hinimok naman ng Palasyo si Duterte na gamitin ang mga legal na proseso kung mayroon siyang reklamo o pangamba sa mga kilos ng pulisya, sa halip na maglabas ng mga alegasyong wala umanong sapat na batayan.
Nagsimula ang mga pahayag ni Duterte tungkol sa kanyang seguridad matapos siyang sampahan ng tatlong bilang ng grave threats laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.
Nagpiyansa si Duterte ng kabuuang P360,000 sa Quezon City Regional Trial Court noong Sabado matapos ilabas ang arrest warrant laban sa kanya.
Sa kabila ng tensyon sa pagitan ng administrasyon at kampo ng bise presidente, nanindigan ang Palasyo at PNP na mananatiling propesyonal ang kanilang pagtugon sa anumang usapin sa seguridad ni Duterte at ng kanyang pamilya.













