Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabantay sa mga matataong lugar ngayong nagsimula na ang “Ber” months.
Ayon kay PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan niya ang mga regional at city police units na dagdagan ang police visibility, regular na pagpapatrolya at seguridad sa mga establisimyento.
Tututukan din ng mga pulis ang mga transport terminal at iba pang pampublikong lugar na inaasahang dadagsain ng mga tao, lalo na habang papalapit ang holiday season.
Layunin ng hakbang na maiwasan ang pagtaas ng insidente ng pagnanakaw at iba pang krimen na maaaring samantalahin ang dagsa ng publiko.
Gayunman, nilinaw ni Nartatez na bahagi na ng regular na police operations sa buong taon ang pagbabantay at pagpapanatili ng seguridad sa publiko.













