Wala umanong nakitang verified threat ang Philippine National Police laban kay Vice President Sara Duterte o sa kanyang pamilya.
Ito ang pahayag ng PNP matapos sabihin ni Duterte na hindi niya nararamdamang ligtas ang kanyang sarili nang magtungo siya sa Regional Trial Court sa Quezon City nitong Sabado, Setyembre 5, para sa kanyang pagpa-post ng piyansa sa tatlong bilang ng grave threats.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., wala umanong direktang report mula sa bise presidente tungkol sa anumang banta sa kanyang buhay o sa kanyang pamilya, kabilang ang mga umano’y banta na sinasabi niyang natanggap noong 2023.
Sinabi rin ng PNP na nakapagbigay ito ng sapat na security assistance kay Duterte habang nasa korte at ligtas siyang nakalabas matapos mag-post ng tig-P120,000 bail para sa bawat bilang ng kaso.
Binigyang-diin ni Nartatez na inaasahang susunod ang mga police personnel sa batas, umiiral na mga polisiya at tamang proseso sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
Samantala, nananatiling usapin ang seguridad ni Duterte matapos niyang ipahayag ang pangamba sa kanyang kaligtasan, kahit wala pang naiulat na verified threat laban sa kanya o sa kanyang pamilya.












