-- ADVERTISEMENT --

Dalawang independent senator ang tuluyang sumama sa Minority bloc ng Senado bago ang pagbubukas ng impeachment court ngayong Lunes, Mayo 18.

Pormal nang umanib sina Juan Miguel Zubiri at JV Ejercito sa oposisyon sa loob ng Senado, na lalo pang nagpabago sa balanse ng puwersa sa mataas na kapulungan.

Ipinaliwanag ni Zubiri na ang kaniyang pag-abstain sa nakaraang botohan sa liderato ay paraan upang mapanatili ang kalayaang bumoto sa mahahalagang usapin para sa publiko. Gayunman, sinabi niyang nais niyang opisyal na makabilang sa Minority bloc pagdating sa organisasyon ng Senado.

Samantala, iginiit naman ni Ejercito na mahalaga para sa kaniya ang manatiling independent upang maayos niyang maipatupad ang kaniyang mga programa at magampanan ang tungkulin bilang senador. Nagpasalamat din siya kay Alan Peter Cayetano sa tiwala matapos siyang alukin bilang Majority leader—isang posisyong tinanggihan niya upang mapanatili ang kaniyang pagiging independent.

Sa huli, pinili ni Ejercito na sumama sa Minority bloc matapos siyang tanungin ni Cayetano kung mananatili siyang independent o makikiisa sa minorya.

Dahil dito, umakyat na sa 11 ang bilang ng mga senador sa Minority bloc, habang 13 naman ang nasa Majority bloc.

Sa kasalukuyan, si Vicente Sotto III ang nagsisilbing Minority leader, habang si Joel Villanueva naman ang acting Majority leader.