Tuloy ang inaasahang huling pagdinig ng House Committee on Justice ngayong Miyerkules, Abril 29, kaugnay ng dalawang impeachment complaint laban kay Sara Duterte, ayon kay committee chair na si Gerville Luistro.
Sa kabila ito ng mga petisyong inihain upang ipahinto ang proseso ng impeachment, sinabi ni Luistro na magpapatuloy ang komite sa kanilang mandato. Aniya, nasa mga miyembro ng justice panel ang pagpapasya kung isasaalang-alang ang mga reklamong inihain sa korte sa kanilang pagtukoy ng “probable cause.”
Gayunman, nilinaw ng mambabatas na hindi maaantala ang kanilang pagdinig, at target nilang tapusin ang proseso sa pagdetermina kung may sapat na basehan ang mga reklamong inihain laban sa bise presidente.
Samantala, nauna nang naghain ng reklamo sa Quezon City Prosecutor’s Office ang kampo ng asawa ni Duterte na si Manases Carpio. Ang reklamo ay laban kay Luistro at ilang miyembro ng justice panel kaugnay ng umano’y paglabag sa mga batas tulad ng Bank Secrecy Law, Data Privacy Act, at Anti-Money Laundering Act.
Ito ay matapos isiwalat umano sa pagdinig noong Abril 22 ang ilang bank transaction na may kinalaman sa mag-asawang Duterte-Carpio.










