-- ADVERTISEMENT --

Tiniyak ng International Criminal Court (ICC) sa mga apektadong komunidad at miyembrong bansa na magpapatuloy ang mga kasong kanilang dinidinig sa kabila ng pagtanggal kay Prosecutor Karim Khan.

Ayon sa ICC, kinikilala nito ang naging desisyon ng Assembly of States Parties matapos bumoto ang mga miyembro nito para alisin si Khan sa puwesto kasunod ng mga alegasyon ng serious misconduct at breach of duty.

Sa isinagawang secret ballot voting sa punong tanggapan ng United Nations sa New York, 82 sa 152 miyembro ng assembly ang bumoto pabor sa tuluyang pagsibak kay Khan.

Binigyang-diin ng ICC na hindi maaapektuhan ang mga kasalukuyang paglilitis at imbestigasyon dahil pamumunuan muna ng mga deputy prosecutor ang tanggapan habang naghahanap ng kapalit ni Khan.

Mananatili sa kanilang posisyon sina Deputy Prosecutors Nazhat Shameem Khan at Mame Mandiaye Niang.

Nauna nang umalis sa kaniyang tungkulin si Khan noong Mayo 2025 habang isinasagawa ang imbestigasyon kaugnay ng alegasyon ng pang-aabuso sa isang babaeng staff ng ICC.