Hiniling ng prosekusyon ng International Criminal Court (ICC) sa Trial Chamber III na ibasura ang mosyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na limitahan sa 10,000 items ang mga ebidensyang maaaring gamitin sa kaniyang kaso.
Ayon sa prosekusyon, magiging arbitraryo ang naturang limitasyon at maaaring humantong sa hindi pagsama ng mahahalagang materyales na kailangan sa paghahanda ng depensa.
Kabilang sa mga dokumentong binanggit ang isang dataset na may 44,495 items mula sa kabuuang 62,034 na isiniwalat sa kaso. Naglalaman umano ito ng impormasyon tungkol sa mga pagkamatay na may kaugnayan sa mga operasyon kontra droga noong administrasyon ni Duterte.
Giit ng prosekusyon, mahalaga ang dataset sa pagsuporta sa alegasyon ng malawak at sistematikong pag-atake laban sa civilian population, na bahagi ng kasong kinakaharap ng dating pangulo sa ICC.
Sinabi rin ng prosekusyon na nagmungkahi na ito ng ilang paraan upang matulungan ang depensa na pamahalaan at suriin ang malaking volume ng datos, ngunit tinanggihan umano ng defense team ang mga naturang hakbang.
Nasa Trial Chamber III ngayon ang usapin para pagpasiyahan kung pagbibigyan ang mosyon ng depensa na magtakda ng limitasyon sa dami ng ebidensyang maaaring gamitin sa paglilitis.













