Nagpahayag ng matibay na kumpiyansa ang House prosecution panel na agad magsisimula ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte matapos pormal nang magtipon ang Senado bilang impeachment court.
Ayon kay lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, walang nakikitang legal na hadlang sa pagpapatuloy ng paglilitis, dahil wala namang inilabas na temporary restraining order mula sa Korte Suprema.
Iginiit ni Luistro na ang mandato ng Konstitusyon na magsimula “forthwith” ay hindi lamang para sa formal convening ng impeachment court, kundi para rin sa agarang pagharap ng trial—kasama na ang presentasyon ng ebidensya at testimonya.
Nilinaw din niya na magpapatuloy ang trial kahit hindi dumalo si Duterte o hindi magsumite ng tugon sa reklamo, dahil awtomatikong ituturing ang hindi pagsumite bilang plea of not guilty batay sa rules ng Senado.
Samantala, sinabi ni Akbayan Rep. Chel Diokno na handa na ang prosecution panel at wala silang nakikitang balakid sa proseso ng paglilitis.
Nauna nang inatasan ng Senado si Duterte na magsumite ng sagot sa articles of impeachment sa loob ng 10 araw mula sa pagtanggap ng summons. Pagkatapos nito, itatakda na ang pre-trial at trial proper.













