-- ADVERTISEMENT --

Limang bansa ang nagpahayag ng interes na makilahok sa panrehiyong estratehiya sa pag-iimbak ng reserbang langis o Regional Oil Stockpiling Strategy na isinusulong ng Pilipinas bilang chair ng ASEAN ngayong 2026.

Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Cristina Roque, kabilang sa mga bansang interesado ang Pilipinas, Singapore, Indonesia, Malaysia at United Arab Emirates (UAE).

Sa ilalim ng panukalang programa, maglalagay ng reserbang langis ang mga kalahok na bansa sa iba’t ibang lokasyon sa rehiyon upang matiyak ang mas mabilis na suplay kapag nagkaroon ng krisis o kakulangan sa langis.

Sa halip na umangkat mula sa malalayong bansa, maaaring bumili ang mga kalahok ng nakaimbak na suplay sa mas malapit na lokasyon, na inaasahang makababawas sa oras at gastos sa transportasyon.

Samantala, nagsagawa na ng pag-aaral ang Economic Research Institute for ASEAN and East Asia (ERIA) tungkol sa posibilidad ng pagpapatupad ng regional oil stockpiling. Naipadala na rin ang mga rekomendasyon nito sa iba’t ibang pamahalaan para sa kanilang pagsusuri.

Layunin ng inisyatiba na palakasin ang seguridad sa enerhiya ng rehiyon at matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng langis sa harap ng posibleng pandaigdigang krisis sa enerhiya.