-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ng House prosecution panel na mananatili itong nakatuon sa paglalahad ng mga ebidensya sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte at hindi magpapadala sa umano’y mga pagtatangkang ilihis ang atensyon ng publiko sa ibang mga isyu.

Ayon kay dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, na nagsisilbing tagapagsalita at adviser ng prosecution panel, mas mahalagang ituon ang pansin sa mga ebidensyang inihaharap sa Senate impeachment court kaysa makisali sa iba’t ibang naratibong lumalabas kaugnay ng kaso.

Aniya, layunin ng prosekusyon na maipakita sa mga senador-judge at sa publiko ang bigat at kabuluhan ng mga ebidensyang kanilang inihahain bilang suporta sa mga alegasyon laban sa Bise Presidente.

Sa unang linggo ng impeachment trial, sinimulan ng House prosecution ang presentasyon ng mga ebidensya para sa Article IV ng Articles of Impeachment. Kabilang sa mga tumestigo si NBI Senior Agent John Mark Calilung, na nagpatunay sa pagiging tunay ng mga video na isinumite bilang bahagi ng ebidensya sa kasong isinampa laban kay Vice President Sara Duterte.