Ipagpapatuloy ngayong linggo ng House Committee on Appropriations ang deliberasyon sa panukalang P6.793-trilyong national budget para sa 2027, kabilang ang pondo para sa edukasyon, kalusugan, ayuda, trabaho, hustisya at iba pang pangunahing serbisyo ng pamahalaan.
Ngayong Lunes, Setyembre 7, pag-uusapan ng komite ang proposed budgets ng Department of Education, Department of Health, Judiciary, Department of Information and Communications Technology at Department of Tourism.
Sa Martes naman, Setyembre 8, nakatakdang talakayin ang pondo ng Department of Social Welfare and Development at Department of Labor and Employment.
Samantala, kabilang sa mga naunang ahensyang dumaan sa budget deliberations ang Department of Transportation, Department of Agrarian Reform, Department of Foreign Affairs at Commission on Human Rights.
May panukalang P300.96 bilyong budget ang DOTr para sa 2027, katumbas ng 118.33% na pagtaas kumpara sa pondo nito ngayong 2026.
Para naman sa DAR, P14.61 bilyon ang hinihinging pondo para sa pagpapatuloy ng mga programa sa reporma sa lupa, habang P35.17 bilyon ang panukalang budget ng DFA para sa diplomatic operations at serbisyo para sa mga Pilipino sa ibang bansa.
Kasama rin sa mga inilahad ng DFA ang target na paglulunsad ng bagong disenyo ng Philippine passport pagsapit ng Hunyo 2027.
Nakatakdang magkaroon ang bagong passport ng mas advanced na security features at contactless chip technology, habang mananatili sa 10 taon ang validity nito.
Patuloy namang susuriin ng House appropriations panel ang mga panukalang pondo ng iba’t ibang ahensya bago isalang sa susunod na yugto ng proseso ng pambansang budget para sa 2027.













