Isang health emergency ang kinakaharap sa isang luxury cruise ship matapos maghinala ng outbreak ng hantavirus, kung saan kasalukuyang inililikas ang dalawang pasahero na nagpapakita ng sintomas habang naka-angkla ang barko sa baybayin ng West Africa.
Nasa humigit-kumulang 150 katao pa ang nananatili sa barko, kasunod ng pagkamatay ng tatlong pasahero—isang Dutch na mag-asawa at isang German national. Ilan pa ang nagkasakit, kabilang ang isang Briton na agad inilipat sa South Africa para sa mas masusing gamutan.
Ang hantavirus ay isang bihirang ngunit seryosong sakit na maaaring magdulot ng matinding respiratory illness. Karaniwan itong nakukuha sa paglanghap ng hangin na kontaminado ng ihi o dumi ng daga, at hindi madaling naipapasa mula tao sa tao.
Ayon sa World Health Organization, nananatiling mababa ang panganib nito sa pangkalahatang publiko kaya’t hindi kailangan ang malawakang travel restrictions. Gayunpaman, bilang pag-iingat, tumanggi ang Cape Verde na payagang dumaong ang Dutch-flagged na MV Hondius.
Patuloy namang pinag-aaralan ng Oceanwide Expeditions ang mga opsyon para mailikas ang mga pasahero, kabilang ang paglipat sa Las Palmas at Tenerife. Kasabay nito, inihahanda rin ang repatriation ng mga apektadong crew.
Ipinatupad na rin sa loob ng barko ang mas mahigpit na health protocols upang mapigilan ang posibleng pagkalat ng sakit habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa pinagmulan ng outbreak. Sinusuri ng mga eksperto kung ito ay dulot ng presensya ng mga daga sa barko o exposure ng mga pasahero sa mga naunang destinasyon nito, kabilang ang Ushuaia, Antarctica, at iba pang isla sa Atlantic bago ito makarating sa Cape Verde noong Mayo 3.







