-- ADVERTISEMENT --

Nagpaabot ng pakikiramay ang Department of Education (DepEd) sa pamilya ng Grade 4 student ng Hugo Perez Elementary School-Annex sa Trece Martires City, Cavite na nasawi matapos ang isang routine deworming activity.

Sa inilabas na pahayag nitong Lunes, tiniyak ng DepEd na magbibigay ito ng kinakailangang suporta at iba pang interbensiyon sa naulilang pamilya ng mag-aaral. Iginiit din ng ahensiya na nananatiling pangunahing prayoridad nito ang kaligtasan, kalusugan, at kapakanan ng lahat ng estudyante.

Kasabay nito, nakikipag-ugnayan na ang DepEd sa mga health authorities upang mabatid ang buong detalye ng insidente at masuri kung may mga hakbang pang kailangang paigtingin sa umiiral na health at safety protocols sa mga paaralan.

Hinikayat din ng kagawaran ang publiko na hintayin at pagbatayan lamang ang mga beripikadong impormasyon mula sa mga eksperto sa kalusugan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Naganap ang insidente noong Hulyo 2, nang magsagawa ang paaralan ng routine deworming activity sa pakikipagtulungan sa City Health Office. Ilang mag-aaral ang nakaranas ng hindi magandang pakiramdam matapos ang aktibidad.

Kinabukasan, Hulyo 3, pumanaw ang Grade 4 student matapos makaranas ng pagsusuka. Batay sa paunang medical findings, iniuugnay ang sanhi ng pagkamatay sa isang impeksiyon na nauwi sa septic shock, bagama’t patuloy pa ring sinusuri ng mga awtoridad ang lahat ng pangyayari kaugnay ng insidente.