-- ADVERTISEMENT --

Kinumpirma ng Department of Health na may 38 Pilipinong crew members ang sakay ng cruise ship na MV Hondius, na kasalukuyang iniimbestigahan dahil sa pinaghihinalaang hantavirus outbreak na nagresulta umano sa pagkamatay ng tatlong katao.

Ayon kay DOH Spokesperson Albert Domingo, mahigit 100 katao ang sakay ng barko—kabilang ang mga pasahero at crew—at 38 dito ay Pilipino. Ang cruise ship ay nakadaong sa Cabo Verde sa gitna ng Atlantic Ocean.

Nilinaw ng DOH na base sa ulat ng World Health Organization at International Health Regulations, walang naitalang sakit sa mga Pilipinong crew members. Kasalukuyan din silang nasa quarantine habang inaantabayanan ang posibleng repatriation, na nakasalalay pa sa desisyon ng operator ng cruise ship.

Ipinaliwanag ni Domingo na ang hantavirus ay isang bihirang sakit na nakukuha sa exposure sa ihi o dumi ng mga daga na infected nito. Nagdudulot ito ng sintomas na kahawig ng trangkaso tulad ng lagnat at pananakit ng katawan, na maaaring mapagkamalang leptospirosis o dengue.

Dagdag pa ng DOH, wala umanong naitatala na kumpirmadong kaso ng hantavirus sa Pilipinas. May mga lumang ulat pa umano mula 1992, ngunit sinusuri pa ito kung tunay ngang hantavirus ang tinutukoy noon.

Sa kabila ng sitwasyon, tiniyak ng ahensya at ng Bureau of Quarantine na mahigpit nilang binabantayan ang kalagayan ng mga crew at ang kabuuang insidente, habang sinisikap ring ipanatag ang publiko sa panganib ng naturang sakit.